“Sa SENA, naririnig po nila ang side ko at side ng company. Kita po kung sino ang mali at sino po ang tama,” mariing pahiwatig ni Annabel Rodriguez patungkol sa SENA. Naniniwala siya na malaki ang magagawa ng SENA sa mga katulad nyang nakaranas o nakakaranas ng di makatarungang desisyon o patakaran ang kumpanya. “Nakakatulong po talaga ang SENA kasi makikita mo kung anong rason nila at anong rason ng complainant… para makakuha po ng hustisya;” dagdag pa niya.
Si Annabel Rodriguez ay dating namamasukan sa Oriental Tin Can Manufacturing Corporation. Naniwala siya na dito na siya magtatrabaho hanggang sa siya’y magretiro. Ngunit tila di sangayon dito ang tadhana. Itong taon lamang na ito dumulog siya at ang isa pang kasamahan niya sa tanggapan ng DOLE upang humingi ng tulong. Naniniwala sila na mali ang nangyaring suspension at pagkakatanggal nila sa trabaho. Isinumite ang kanilang RFA at ginawan ng iskedyul upang dumaan sa processo ng SENA.
Ang Single Entry Approach o kilala sa tawag na SENA ay isang administratibong pamamaraan upang makapagbigay ng mabilis, patas, mura, at madaling maabot na pagsasaayos ng mga isyu o di pagkakaintindihan sa paggawa na nagmumula sa relasyon ng employer at empleyado upang maiwasan ang paglaki ng problema. Ito ay ipinakilala sa pamamagitan ng Department Order 107-10 at na-institutionalize sa pamamagitan ng pagsasabatas ng RA 10396 noong 2013. Ito ay 30 araw na mandatoryong proseso ng conciliation-meditation para malutas ang mga hindi pagkakaunawaan sa paggawa at trabaho ng mga magkatunggaling partido sa pamamagitan ng pag-areglo.
Ngayong taon, may 204 Requests for Assistance (RFA) ang natanggap at naresolba na ng DOLE 9; ang mga ito ay pinal at agad na ipinatutupad. Ito ay may bisa sa lahat ng tanggapan ng DOLE at mga kalakip na ahensya nito, maliban na lamang kung mapapatunayang labag sa batas, moralidad, pampublikong kaayusan at patakaran.
Maaring itaas ng mga partido ang RFA sa naaangkop na mga tanggapan ng Departamento o Voluntary Arbitration kapag walang naabot na kasunduan sa loob ng 30-araw na takdang panahon o kaya naman ay napag-alamang hindi sumunod sa itinakdang kasunduan ang alinmang Partido. Labing-apat (14) ang naindorso na sa National Labor Relations Commission (NLRC).
Umabot na sa PHP 3,877,740.95 ang kabuuang naayos na halaga at may 267 na manggagawa ang nakinabang dito; kabilang na sina Annabel na tumanggap ng P229,000.00, ang naitalang may pinakamalaking halaga ng benepisyong nakuha sa pamamagitan ng SENA. Ito ay para sa haba ng kanyang serbisyo at iba pang money claims. Yun nga lang, tuluyan ng natapos ang kanilang ‘employee-employer relationship’ sa Oriental Tin Can Manufacturing Corp.
Ayon kay Anabel; “Paglapit namin sa DOLE agad-agad namang may aksyon… Meron talagang aksyon!” Sa kabila ng pandemya, hindi nagpatinag ang DOLE patuloy pa rin ang pagseserbisyo sa taong-bayan. Di man pwede mag face-to-face, nariyan naman ang telepono, cell phone, video conferencing, at iba’t ibang gadyet na magagamit sa pakikipagtalastasan, Naging daan ang Covid-19 pandemic sa paglikha ng E-Senams. Hindi na dahilan ang bawal ang ‘face-to-face’ dahil maari na ngayon itong gawin Online.
Di man sila nakabalik sa trabaho lalo na ngayon panahon ng pandemya, nagpapasalamat pa rin sila Annabel sa DOLE dahil sa tulong na naibigay nito sa kanila; ang makuha ang kanilang mga benepisyo lalong-lalo na yung sa length of service. Ito ang pinakamalaking epekto ng SENA sa kanyang buhay.
“Importante po ang SENA, kailangang marinig both sides po. Hindi one sided lang. Importante po yun. Sa point po na…para po fair ang result kailangan may SENA talaga. Kailangan both sides po. Para sa akin po, okey talaga ang SENA.” ###